Drug test sa bus drivers palakasin
MANILA, Philippines - Upang maiwasan ang malalagim na sakuna sa lansangan ay panahon na umano para paigtingin pa ng mga bus operators ang pagsasailalim sa drug test sa kanilang mga driver.
Ito ang iminungkahi kahapon ni Supt. Leo Suan, Chief of Staff ng PNP-Anti Illegal Drugs Special Operation Task Force (PNP-AIDSOTF) kasunod ng malagim na sakuna na kinasangkutan ng Valisno Bus Express noong Miyerkules na ikinasawi ng apat katao habang 18 pa ang nasugatan sa Quezon City.
Lumilitaw sa imbestigasyon na lango sa droga ang driver ng Valisno Bus na si George Pacis, 35-anyos nang mangyari ang sakuna sa Brgy. Lagro sa hangganan ng Quezon City at Caloocan City.
Anya, kailangan nang higpitan ng mga operators ng mga kumpanya ng bus ang pagbabantay sa posibleng paggamit ng illegal na droga ng kanilang mga empleyado lalo na ang kanilang mga drivers.
Iginiit ni Suan na dapat ng isalang sa regular drug test ang mga bus drivers upang maiwasan ang malalagim na trahedya tulad ng kinasangkutan ng Valisno bus na nagpositibo sa paggamit ng droga ang naarestong driver.
Partikular na dito ang mga bumibiyahe sa gabi at sa mga probinsiya kung saan ginagawang panlaban sa antok at pagod ng mga tiwaling driver ang paggamit ng droga.
- Latest