Mayor Binay binuweltahan ang ‘special express suspension’ ng Ombudsman
MANILA, Philippines – Binuweltahan ni Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay ang 6 buwang preventive suspension na ipinataw sa kanya at 22 iba sa dati at kasalukuyang opisyales ng Makati City Hall ng Office of the Ombudsman sa umano’y kasong overprice ng Makati City Hall Building II.
Tinawag ni Mayor Binay ang suspension order ng Ombudsman na “special express suspension” na nagpapaalala na siya at ibang miyembro ng pamilya ay isinasailalim sa nasabing “special treatment.”
“Talagang special kaming mga Binay. Special senate hearing. Special COA audit. Special panel ng Ombudsman. At ngayon, special express na suspension,” wika ni Binay.
Ayon pa sa alkalde na hindi na sila nasorpresa sa naging hakbang ng Ombudsman dahil sa mga miyembro ng special panel of investigators tulad nina Atty. Simeon Marcelo, dating ombudsman at law partner ni Atty. Nonong Cruz na bukod sa mga abogado ni DILG Secretary Mar Roxas ay mga kilala ng operators din ng kalihim.
Ipinunto ng batang Binay na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamumuno ni Roxas ay siyang implementing agency ng suspension order na tulad sa Senado ay hindi sila nabigyan ng tamang pagpapaliwanag para sagutin ang mga akusasyon na ibinibintang sa kanila.
Sinisi naman ni Senator Nancy Binay sa tinatawag na “Oplan Nognog” ang suspensiyon na ipinataw sa kanyang kapatid.
Anya ang Oplan Nognog ay isa sa istratehiyang gagamitin ng administrasyong Aquino upang tuluyang sirain ang kanyang amang si Vice President Jejomar Binay habang papalapit ang 2016 presidential elections.
Ang Oplan Nognog ang sinasabing operasyon upang sirain si Vice President Binay.
Nangako naman si Mayor Binay na gagawin ang lahat ng legal na paraan at aapela ng patas na pagtrato mula sa mga ahensiya at umaasa na ang korte ay magiging patas at walang kinikilingan sa kanyang apela.
- Latest