3 tepok sa amok
MANILA, Philippines - Nanghalibas ng saksak ang isang mangingisda na ikinasawi ng dalawang katao habang napatay din ang una nang siya ay pagtulungang kuyugin ng mga galit na galit na kasama habang papalaot sa dagat kamakalawa sa Sibulan, Negros Oriental.
Ang nasawi ay kinilalang sina Quirico Estoras, Benjie Jorheo at ang nag-amok na si Graciano Namoco, 39.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Gabriel Ricardo, 51; Roel Dagodog, 55; Roque Tersona, 43; Jovy Saldo, 23; Dominador Pilonggo, 46; at Julito Babor, 27 na isinugod sa Negros Oriental Provincial Hospital at Siliman University Medical Center pawang sa Dumaguete City.
Batay sa ulat, dakong ala-1:30 ng madaling araw habang paalis na ang bangkang pangisdang FB San Tiyago na pag-aari ni Ovinal Salvame sa Ajong Pier sa Sibulan nang mag-amok si Namoco at nanghalibas ng saksak.
Isa sa mga mangingisda ng Pescadores group ang nakarinig ng paghingi ng saklolo ng biktimang si Jorheo bunsod upang magsipagtago ang ibang kasamahan pero nagawa pa ring masaksak ng suspek ang ilan sa mga biktima.
Kaya’t napilitan ng lumaban ang grupong Pescadores at pinaghahampas ng kawayan ang suspek hanggang sa mabitiwan nito ang kaniyang patalim at masawi rin sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang dahilan nang pagwawala ng suspek.
- Latest