3 OFW may Mers-Cov
MANILA, Philippines - Inamin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tatlong Overseas Filipino Workers ang positibo sa kinatatakutan at nakamamatay na sakit na Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-CoV).
Ipinaliwanag ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose, na pawang mga babae ang tatlong OFW’s at nagtatrabaho bilang health workers sa magkakahiwalay na pagamutan sa Saudi. Inoobserhan din sa isolation roon ang kanilang kondisyon sa kasalukuyan.
Aniya, dalawa sa mga Pinay ay nurses habang ang isa ay isang respiratory technician, ngunit tumangging pangalanan ang nasabing mga Pinay at sinabi lang na 56-anyos na ang isa sa mga ito.
Panawagan ni Jose sa mga manggagawang Filipino sa Saudi Arabia lalo na sa mga nasa ospital na dapat na sumunod sa mga protocols at mga babala upang maiwasan ang nasabing sakit.
Ipinaliwanag pa rin ni Jose na naka-monitor ang Embahada sa Riyadh at Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah sa mga kaso ng mga Pinoy na tinatamaan ng MERS-CoV at nakikipag-ugnayan na sa mga kaanak ng mga nabiktima ng sakit.
Una rito, inianunsiyo ng Foreign Ministry ng Saudi na dalawang Pinoy ang kabilang sa 20-katao na bagong kaso ng MERS-CoV kasama na ang 9 Saudi nationals, tatlong Yemenis, dalawang Indians at isang Egyptian. Isang hiwalay na ulat naman ang lumabas na tatlong Pinoy ang tinamaan ng nasabing sakit sa Saudi na kinabibilangan ng tatlong lalaki at limang babae.
- Latest