2 libong bahay nasunog sa Parola
MANILA, Philippines - Aabot sa 2,000 bahay ang nilamon ng apoy sa naganap na sunog kamakalawa ng gabi sa Parola Compound, Tondo, Maynila.
Batay sa ulat, pasado alas-6:00 ng gabi nang magsimula ang apoy sa lugar at nasunog ang nasabing kabahayan na gawa sa mga kahoy sa Gate 46 hanggang Gate 64 ng Parola Compound ng Barangay 275 sa District 3.
Nahirapan ang mga bombero sa pag-apula sa apoy dahil walang makunang tubig malapit sa pinangyarihan ng insidente at masikip pa ang daanan.
Ganap na alas-6:41 ng umaga nang idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) na kontrolado na ang sunog pero tuluyang na-fire out makalipas ang 12 oras.
Dalawang anggulo ang tinitingnan ng BFP na pinag-ugatan ng sunog, una ay electrical short circuit dahil sa mga posibleng “jumper” ng kuryente at pangalawa ay naiwan na pinaglutuan ng mga residente matapos na mag-away ang isang nangungupahang mag-asawa.
Samantala, isa na namang sunog ang naganap sa Parola District 3, dakong ala-1:00 ng tanghali sa Gate1 ng Parola Compound District 1 na habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang sunog.
- Latest
- Trending