‘Not guilty plea’ ipinasok ng korte... Pemberton ‘di kumibo
MANILA, Philippines – Tumanggi si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na magpasok ng anumang plea sa kinakaharap na kasong murder kaugnay ng pagkamatay ng transgender na si Jennifer “Jeffrey” Laude noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Sa kanyang arraignment kahapon ng umaga, si Judge Roline Ginez-Jabalde ng Regional Trial Court (RTC) Branch 74 na ang nag-plea ng ‘not guilty’ para kay Pemberton.
Bago magsimula ang pagbasa nang sakdal ay dumating si Pemberton dakong alas-5:00 ng umaga kahapon sa Olongapo City Hall of Justice na bantay sarado ng US security escort nito.
Ang akusado ay nakapiit sa Joint United States Military Assistance Group (JUSMAG), ang US facility sa loob ng Camp Aguinaldo .
Ayon sa kampo ng pamilya Laude, na binanggit ni Atty. Harry Roque na paninindigan nila ang paglilitis laban sa suspek at walang areglo na magaganap.
“Finally, matutuloy na ang paglilitis, finally makukuha na namin ‘yung justice para sa kapatid namin at sana naman matapos na ‘to nang sa ganun naman makuha natin lahat ang hustisya.” pahayag ng kapatid ni Laude na si Marilou.
Ayon pa kay Atty. Virgie Suarez, legal counsel ng pamilya Laude, hindi na sinubukan ng kampo ni Pemberton na maghain ng plea dahil marahil ay umaasa pa itong papanigan ng Korte Suprema.
Una nang ibinasura ng DOJ ang apela ni Pemberton na gawing homicide ang kasong murder laban sa kanya at sa Biyernes ay naka-iskedyul ang pre-trial kay Pemberton.
Si Pemberton ay kinasuhan ng murder noong Disyembre 15, 2014 kaugnay ng pagpatay kay Laude na natagpuan ang bangkay na nakasubsob pa ang ulo sa inidoro sa Celzone Lodge sa Olongapo City noong Oktubre 12 ng madaling araw.
- Latest