AirAsia plane lumagpas sa runway
MANILA, Philippines – Isang eroplano ng AirAsia Zest plane ang lumagpas sa runway ng Kalibo Airport sa Aklan, kahapon.
Sinabi ni Kalibo International Airport Manager Cynthia Asperas na hanggang dakong alas-6:20 ng gabi’y nasa runway pa rin ang eroplano.
Anya, nag-overshoot ang eroplanong galing Maynila at papalapag ng Kalibo dahil malakas ang hangin doon.
Sinabi naman ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesman Eric Apolonio na sa runway 23 ng paliparan lumagpas ang eroplano bandang alas-5:45 ng hapon.
Nakababa naman aniya agad ang 153 pasahero at anim na crew gayundin ang pilotong si Capt. Achilles Narajos at flight officer Antonio Miguel Halaguena.
Dahil sa insidente, suspendido muna ang biyahe ng mga lalapag at magti-takeoff na mga eroplano sa paliparan.
Nito lamang Disyembre 28, nawala ang flight ng AirAsia na may sakay na 155 pasahero mula Indonesia patungong Singapore.
Sa Tagbilaran Airport sa Bohol naman nagdulot ng pagkaantala sa biyahe ang na-flat na gulong ng isa sa mga eroplano ng kaparehong airline.
- Latest

















