Pemberton, pamilya Laude nagharap na!
MANILA, Philippines - Nagharap na kahapon sa korte ng Olongapo City sina US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton at ang pamilya ng pinaslang umano nitong si Filipino transgender Jeffrey “ Jennifer “ Laude para sa itinakdang pagbasa ng sakdal sa kaso.
Si Pemberton ay isinailalim sa booking procedure pero natuloy ang pagbasa ng sakdal sa kasong murder kay Laude matapos na kapwa maghain ng mosyon ang kampo nina Pemberton at ang legal counsel ni Laude na si Atty. Harold Roque sa sala ni Regional Trial Court (RTC) Branch 74 Judge Roline Ginez-Jabalde.
Kabilang sa ‘booking procedures’ ay ang pagkuha ng mugshot, fingerprints at pagsailalim sa medical examination kay Pemberton. Ito naman ang unang pagharap ni Pemberton matapos na maganap ang krimen noong gabi ng Oktubre 11 sa lungsod. Hiniling ng kampo ni Pemberton na suspindihin ang paglilitis habang nais naman ng pamilya Laude na buksan sa media ang pagdinig sa kaso at mailipat ang una sa lokal na piitan sa Olongapo City.
Si Pemberton ay ibiniyahe patungong Olongapo City Hall of Justice at ineskortan ito ng Military Police Battalion ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police kung saan dakong alas-2:00 ng madaling-araw ay inilabas ito ng detention cell at nakarating sa Olongapo ng alas-4:30 ng umaga. Dumalo rin sa pagdinig ang mga opisyal ng US Forces at US Embassy sa Maynila.
Bandang alas-8:30 naman ng umaga ng dumating ang kapatid ni Jeffrey na si Marilou, abogadong si Atty. Virgie Suarez habang ibinawal naman sa media ang coverage.
Nabatid kay Atty. Roque na dedesisyunan pa ng korte ang kanilang apela habang ang proseso naman sa mosyon ng kampo ni Pemberton ay dedesisyunan ng korte sa darating na Disyembre 22.
Samantalang alinsunod naman sa commitment order, sinabi ni RTC Branch 74 Clerk of Court Atty. Gerry Gruspe na mananatili si Pemberton na nakakulong sa US facility sa Camp Aguinaldo.
Si Pemberton ay akusado sa pagpaslang sa Pinoy transgender na si Laude na natagpuang patay at nakasubsob ang ulo sa inidoro ng Celzone Lodge sa Olongapo City noong madaling araw ng Oktubre 12 matapos naman itong paslangin bago maghatinggabi noong Oktubre 11.
Magugunita na nitong Lunes ay sinampahan ng murder ng Olongapo City Prosecutor’s Office si Pemberton matapos na makitaan ng ‘probable cause ‘at ‘aggravating circumstances ‘ ang kaso.
- Latest