Mag-asawa, anak minasaker
Tinadtad ng bala
MANILA, Philippines — Nasawi noon din ang isang mag-asawa habang ang kanilang anak ay hindi na umabot ng buhay sa ospital nang sila ay pagbabarilin sa labas ng kanilang bahay ng hindi pa matukoy na mga salarin, naganap sa Sitio Dagupan, Brgy.Calagbangan,Sipocot, Camarines Sur kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Joshua, 33-anyos, magsasaka; asawang si Lorna; at isang menor-de-edad na anak, pawang residente ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong alas-11:45 ng umaga ay nakarinig nang magkakasunod na putok ng baril ang barangay tanod na si Oscar.
Nang tumigil ang mga putok ay nagtungo siya sa lugar at nagulantang sa nakitang duguang mga biktima.
Tumambad ang katawan ni Joshua na nakasabit pa sa manibela ng kanyang minamanehong motorsiklo na may sidecar. Ang kanyang asawa ay nakabulagta sa kalsada, habang nakitang buhay pa sa trike ang kanilang anak.
Mabilis na isinugod ang minor sa Sipocot District Hospital ng mga rumespondeng kasapi ng MDRRMO-Sipocot pero hindi na ito umabot nang buhay.
Ilang basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang natagpuan ng mga pulis. Patuloy sa imbestigasyon ang mga pulis para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa pamamaslang.
- Latest















