Lisensiya ng nambugbog sa traffic enforcer kanselahin… MMDA ‘di paaareglo
MANILA, Philippines - Hindi papayagan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, na makipag-areglo ang negosyanteng may-ari ng sports car na nanggulpi sa kanilang traffic enforcer noong Huwebes ng umaga sa lungsod Quezon.
Aniya, hindi papayagang makipag-areglo ang suspek na si Joseph Russel A. Ingco, residente ng Valencia Hills, New Manila sa biktimang si MMDA Traffic Constable Jorbe Adriatico, dahil kung mangyayari ito ay tila walang batas na pinatutupad.
Nais ni Tolentino na matiyak na mare-revoke ang driver’s license ni Ingco at kung may baril ito ay dapat din aniya na maipawalang-bisa ang lisensiya nito sa baril para hindi na muling makapanakit pa.
Kamakalawa ng gabi ay naunang nag-alok ng halagang P100,000.00 si Tolentino sa sinumang impormanteng makapagtuturo para sa agarang pagdakip kay Ingco.
Nanawagan si Tolentino kay Ingco na sumuko na sa mga awtoridad matapos umano nitong gulpuhin at kaladkarin si Adriatico noong Huwebes, alas-6:00 ng umaga sa panulukan ng Araneta at Quezon Avenue, Quezon City. Nalaman din, na isa ring kontratista at operator ng isang transportation company ang suspek, may sarili itong malaking planta at nag-mamay-ari rin ito ng isang fast food chain at nagtatago umano ito sa Santa Maria, Bulacan.
Nabatid, na natunton ng mga kagawad ng Quezon City Police (QCPD) District ang naturang sports car habang nakaparada sa Parking A ng Valencia Towers na ang conduction sticker nito ay QQ-0057. Ngunit ng puntahan ay wala rito ang supek.
- Latest