Kelot utas, 1 sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang isang 30-anyos na lalaki habang sugatan ang kasamahang driver nito nang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki sa panulukan ng Varona at Capalongan st., sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead on arrival sa Gat.Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Ricardo Condo, 30, binata, ng 1695 F.Varona St., Tondo, bunga ng tatlong tama ng bala na tinamo sa dibdib at likod habang inoobserbahan naman sa Tondo General Hospital si Eduardo Panganiban, binata at residente ng 1701 F. Varona st., Tondo nang tamaan ng bala sa tiyan at braso.
Itinuturong mga suspek sina Marlon Custodio, alyas “Tutong”, nasa 30-35-anyos, miyembro ng Sigue Sigue Commando at residente ng no. 1685 F. Varona Tondo at isang Allan Guevarra alyas “Mata” nasa 20-25-anyos, residente rin ng lugar.
Ayon sa Manila Police District-Homicide Division, dakong alas 4:15 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa mga biktima sa panulukan ng F. Varona at Capalongan St., Tondo, kung saan habang nagkakape ang mga biktima ay bigla na lang pinagbabaril ang mga ito.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang insidente at pinaghahanap ang mga suspek na mabilis na tumakas makaraan ang pamamaril.
- Latest