2 parak patay sa pagsilbi ng warrant
MANILA, Philippines – Dalawang parak ang nasawi nang sila ay pagbabarilin ng mga kasamahan ng isang lider ng grupong kriminal habang isinisilbi ang warrant of arrest kamakalawa ng gabi sa bayan ng Moalboal, Cebu.
Ang dalawang napatay na pulis ay kinilalang sina PO3 Fabi Fernandez, 53 at PO1 Alrazid Gimlani; pawang mga miyembro ng Moalboal Police Station (MPS).
Sa ulat ng tanggapan ni Cebu Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt Noel Gillamac, dakong alas-8:00 ng gabi ay nagpunta ang mga operatiba ng pulisya sa Brgy. Tumuloy sa bayang ito upang isilbi ang warrant of arrest laban sa suspek na si Michael Aquino.
Ang warrant of arrest ay inisyu ni Judge Leopoldo Cañete ng Barili Regional Trial Court kaugnay ng illegal na aktibidades na kinasasangkutan ni Aquino na hinihinalang nagtatago ng mga armas at droga sa lugar.
Nabigong maaresto ng pulisya si Aquino habang naaresto ang mga kasamahan nitong sina Rolly Tabanao, Allen Amad at Phil John Ibriza.
Habang nagsasagawa ng inventory ang pulisya sa kanilang mga nakumpiskang ebidensya laban sa grupo ni Aquino ay bigla na lamang nakarinig ng putok ng baril mula sa labas at dito ay nakita ang bangkay ng dalawang parak na nagsisilbing perimeter operatives sa isinagawang operasyon.
Sinamantala naman ito ng mga kasamahan ni Aquino sa pagtakas kabilang ang mga nasakote ng pulisya.
Isang hot pursuit operations ang ikinasa ng mga otoridad laban sa mga suspek.
- Latest