4 holdaper patay sa shootout
MANILA, Philippines - Patay ang apat na umano’y notoryus na miyembro ng robbery/holdup gang habang dalawa pa ang nasugatan kabilang ang isang pulis nang makasagupa ng mga ito ang pulisya at nasilat ang panghoholdap sa isang cooperative bank sa Malolos City, Bulacan nitong Biyernes.
Sa ulat ni Bulacan Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Ferdinand Divina, kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan sa apat na napatay na suspek.
Kinilala naman ang mga nasugatang sina PO3 Peejay Martin Manalad at ang sibilyang si Vicente Santiago Jr., residente ng Ligas, Malolos City; kapwa unang isinugod sa Sacred Heart Hospital. Gayunman, agad namang inilipat ng pagamutan sa PNP General Hospital sa Camp Crame si Manalad.
Sa ulat ni Supt. Arwin Tadeo, Officer in Charge ng Malolos City Police, dakong alas-9:30 ng umaga ng maganap ang engkuwentro sa pagitan ng pulisya at ng mga suspek.
Bago ito ay nakatanggap ng intelligence report ang Malolos City Police hinggil sa planong panghoholdap sa Palayan sa Nayon Cooperative Bank sa Brgy. Ligas ng lungsod ang mga suspek, kaya naman agad na nagsagawa ng pagpapatrulya ang mga awtoridad at nang maispatan ng mga naturang holdaper ay mabilis na nakipagbarilan ang mga ito.
Tatlo sa mga suspek ang agad na napaslang habang tinangka naman ng isa sa mga ito na tumakas sakay ng kulay asul na Mica Metallic Toyota Vios (TQK 561) patungo sa sentro ng lungsod ngunit nasukol at napatay sa Malolos Crossing, Brgy. Guinhawa.
Sa isinagawang beripikasyon sa LTO, nadiskubre naman na ang Toyota Vios na ginamit ng mga suspek ay nakarehistro sa pangalan ni Ryan Arnold Flavio ng Ugong, Valenzuela City, Metro Manila.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang isang cal. 45 pistol, dalawang cal. 38 revolver mula sa tatlong napatay na suspek habang isa namang cal. 22 improvised machine pistol ang nakuha sa bangkay ng suspek na sakay ng Toyota Vios.
- Latest