Gusali sa UP Diliman binulabog ng bomb threat
MANILA, Philippines - Binulabog ng bomb threat kahapon ang mga estudyante at guro sa UP Diliman-Cesar E. A. Virata School of Business (VSB) o dating College of Business Administration (CBA).
Pansamantalang pinalabas ng gusali ang mga estudyante, guro at staff nang matanggap ang banta.
Nagsagawa ng panelling at pagsusuri sa gusali ng kolehiyo ang mga tauhan ng QC Police District Bomb Squad.
Sa pahayag ni Rosana Espiritu, building administrator, pasado alas-7:00 ng umaga nang makatanggap siya ng text mula sa kanilang presidente ng building committee, na oras na lamang ang bibilangin bago ang pagsabog ang gusali dahil sa itinanim umano roon.
Nakatanggap din ng text message mula sa cellphone number 09067677958 ang isang Jett Padernal, chairman ng student council ng UP Diliman, ganap na alas 7:50 ng umaga at nakasaad ang mensaheng “Mag-ingat sa Bomba sa gusaling Virata”. Oras na lang ang binibilang Walang Ligtas estdudyante man o guro”.
Halos mahigit isang oras ding ginalugad ng bomb squad sa lugar at alas-9:38 ng umaga nang ideklarang ligtas ang gusali sa kawalan ng anumang pampasabog.
Gayunman, tuloy ang klase at eksaminasyon ngayong araw kasunod ng deklarasyon ng pulisya.
Magugunita na dalawang beses na nakatanggap ng bantang pagpapasabog ang Miriam College sa Katipunan Avenue, kasunod ang World City College sa Anonas St., at Aurora Blvd., sa lungsod.
- Latest