1 sa 7 pulis-Maynila sa hulidap, parolado
MANILA, Philippines - Matapos sampahan ng kaso ang 7 pulis-Maynila na inireklamo ng robbery extortion ay inihayag ng tagapagsalita ng Manila Police District (MPD) na si C/Insp. Erwin Margarejo na hindi na nila hurisdiksiyon para arestuhin o palutangin ang mga suspek na sina Sr/Insp. Rommel Geneblazo, hepe ng ANCAR, at mga tauhang sina SPO1 Michael Dingding, SPO1 Gerry Rivera, SPO1 Jay-An Pertubos, SPO1 Jonathan Moreno, PO2 Renato Ochinang at PO2 Marvin dela Cruz.
Ang mga ito ay inireklamo ng negosyanteng si Kamran Kha Dawood, 39, isang Pakistani ng Platinum 2000 Annapolis St., San Juan City matapos na arestuhin noong Setyembre 19, dakong ala-1:30 ng madaling araw at pagkatapos ay kotongan ng P300,000 na bumaba sa P100,000.00.
Samantala sa pagberipika ng mga media ay nabatid na ang isa sa 7 pulis na si SPO1 Rivera ay isa pa lang parolado matapos makakuha ng dokumento sa korte.
Nabatid na nabigyan ng parole si SPO1 Rivera sa kasong kidnap for ransom kaya’t may posibilidad na mabawi ang ipinagkaloob na Parole sa kaniya ng Board of Pardons and Parole (BPP).
- Latest