5 nabaril ng bagitong pulis
MANILA, Philippines - Bagsak sa kulungan ang isang bagitong pulis matapos aksidenteng makabaril ng limang sibilyan kamakalawa ng gabi sa Antipolo City, Rizal.
Ang suspek ay kinilalang si PO1 Mark Anthony Madula, 28, nakatalaga sa Regional Public Safety Batallion ng Antipolo City at residente ng Siete Media, Brgy. San Isidro.
Ang mga biktima na dinala sa Amang Rodriguez Hospital ay kinilalang sina Elbert Ambos, 23; Enrique Ambos, 38; Elizalde Ambos, 34; Yolanda Sison, 47; at Rea Madula, 34.
Sa imbestigasyon, dakong alas-11:30 ng gabi sa M. De Guzman St., at Circumferential Road, Brgy. San Isidro ay nagkaroon ng kaguluhan at rumesponde dito si PO1 Madula na nakasibilyan para umawat.
Sangkot sa naturang gulo ang bayaw ng pulis na si Angelito Abya at umano’y inaagrabyado ng mga kaalitan.
Napagkamalan umano ni Elbert na si PO1 Madula ang kaaway at tinangka umano ng una na agawin ang baril ng pulis na nauwi sa pambubuno.
Nang mabuwal ay dito na sunod-sunod na nagpaputok si PO1 Madula at kabilang sa mga nahagip ng bala ang mismong kapatid niya na si Rea, tiyahing si Yolanda at magkakamag-anak na sina Enrique, Elizalde, at Elbert Ambos na siyang sinasabing nakaalitan ng bayaw ng pulis.
Boluntaryong sumuko si PO1 Madula dala ang kaniyang 9mm service pistol at posibleng maharap sa kasong frustrated homicide.
- Latest