Love triangle ugat sa murder... Misis ni Enzo suspek sa krimen
MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Quezon City police na ang misis ng pinatay na racing champion na si Ferdinand “Enzo” Pastor ay iniimbestigahan bilang suspek sa pagbaril at pagpatay noong June 12.
Ayon kay Chief Inspector Rodel Marcelo, hepe ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit, na ang misis ni Enzo na si Dahlia Guerrero Pastor ay may relasyon umano sa mastermind na si Domingo “Sandy” de Guzman, isang negosyante na naaresto noong Martes ng gabi sa Muntinlupa City.
Ang pagkakaaresto kay De Guzman ay dahil sa unang pagkakaaresto kay PO2 Edgar Angel, na siyang gunman at umamin na binayaran siya ng P100,000 ni De Guzman para patayin si Pastor.
“Ang na-establish po natin dito ay may relasyon si ‘Sandy’ at po ang asawa nung namatay. Ongoing po yung imbestigation,” pahayag ni Marcelo sa isang press conference kahapon.
Naresolba ang kaso ng pagpatay kay Pastor makaraang maaresto si PO2 Angel sa isang buy bust operation ng Quezon City Police-Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group (DAIDSOTG) sa Libis Quezon City noong nakaraang Sabado at inamin na siya ang gunman.
Ayon pa kay PO2 Angel na kinontrata siya ni De Guzman noon pang Disyembre nang nakaraang taon para patayin si Pastor, subalit ang plano ay nangyari lang noong Hunyo.
- Latest