Hepe tinodas ng kagawad
MANILA, Philippines - Isang hepe ng pulisya ang nasawi nang ito ay pagbabarilin ng isang barangay kagawad nang magkainitan sa isang pagtatalo kamakalawa ng gabi sa Brgy. Poblacion, Alcoy, Cebu.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Julio Cardinal Rosales Memorial Hospital dahil sa limang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at ulo ay kinilalang si Inspector Crisanto Abella.
Nadakip ang suspek sa isang follow-up operations na si Ciriaco delos Santos, 56, kagawad ng Brgy. Poblacion na dati ring pulis at natanggal dahil sa pagiging AWOL (absent without official leave) noong dekada 90.
Sa ulat bago ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi ay nagsasagawa si Abella kasama ang limang pulis na tauhan nito ng roving patrol sa gymnasium ng Brgy. Poblacion kaugnay ng ‘boxing match’ sa lugar para sa selebrasyon ng piyesta dito bago magtapos ang buwan.
Nakikipag-inuman si Delos Santos sa loob ng gymnasium at tinawag nito si Abella para patagayin ng alak na pinagbigyan nito.
Nang bigla na lamang komprontahin ng suspek ang biktima hinggil sa umano’y ginagawa nito laban sa mga hoodlum sa kanilang lugar.
Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek kung saan unang umalis ang biktima upang umiwas sa gulo nang bigla na lamang itong pinagbabaril ng suspek.
- Latest