Misis nag-bomb joke, kalaboso
MANILA, Philippines - Mag-bomb joke ay hindi biro! Ito ay matapos na makulong ang isang 40-anyos na misis nang magbiro na may bomba umanong sasabog sa loob ng terminal na lumikha ng matinding panic at komosyon sa Pier 4 sa Cebu City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang ginang na si Charito Abao, tubong Camiguin na ipiniit sa Watefront Police Station bunga ng insidente at nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law.
Si Abao ay isa sa mga pasahero ng barko sa Pier 4 na patungo sa Mindanao. Bigla na lang umanong sumigaw si Abao na may dala siyang bomba sa bag na anumang oras ay sasabog sa loob ng terminal na ikinagulantang naman ng mga pasahero bunsod upang magkaroon ng komosyon sa lugar.
Mabilis na humingi ng tulong sa mga otoridad ang mga pasahero at itinuro si Abao na may dala umanong bomba. Agad na siniyasat ng mga port police ang bagahe nito ngunit walang nakuhang bomba.
Matatandaan na kamakailan lamang ay inaresto naman ng mga awtoridad sa Pier 3 si Jimboy Feloche, 24, matapos itong magbiro na may bomba umano sa loob ng kaniyang bagahe. Gayunman, nagpiyansa ito ng P16,000 at ikinatuwirang nasa impluwensiya lang ng alak.
- Latest















