Patay kay ‘Glenda’ pumalo na sa 50
MANILA, Philippines - Mahigit na sa 50 katao ang nasasawi, 17 ang sugatan, at 4 ang nawawala sa paghagupit ng bagyong Glenda sa Region I, III, IV-A, IV-B,V, VIII at Metro Manila.
Ito ang iniulat kahapon ng PNP at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kabilang sa mga nasawi ay ang fire volunteer na si Jomark Diaz na nabagsakan ng gumuhong pader at signage nang tangkaing iligtas ang bandila ng Pilipinas sa kanilang barangay hall sa Pasig City sa kasagsagan ng pananalasa ni Glenda.
Ilan din sa nasawi ay si Mario Moral, 56, kapitan ng lumubog na Fishing Boat FB Hanah Shane, residente ng Brgy. 6 Julugan, Tanza, Cavite habang dalawa pa nitong kasamahan ang nawawala at 3 naman ang nailigtas ng Philippine Navy Seal sa Sangley Point, Cavite.
Pinakamaraming naitalang nasawi ay sa CALABARZON na umaabot sa 24 katao, 2 sa National Capital Region (NCR), tatlo sa Region III, lima sa Region IV-B, 4 sa Region V at 2 sa Region VIII na ang dahilan ay mga nabagsakan ng puno, pader at poste habang ilan ay nalunod sa baha.
Sa kasalukuyan, mula sa 5.3 M na walang suplay ng kuryente ay nasa P2.3M na lamang ang mga konsumer na walang suplay ng kuryente na karamihan ay mula sa lalawigan ng Batangas, Cavite at Quezon.
Umaabot naman sa kabuuang 192,131 pamilya na binubuo ng 1,006,360 katao ang naapektuhan ng bagyong Glenda.
Sa nasabing bilang ng mga evacuees ay nasa 100,500 pamilya o kabuuang 530,689 katao ang nawalan ng bahay at kinukupkop sa may 1,219 evacuation centers.
Umaabot naman sa P713,733,477.94 imprastraktura at agrikultura ang winasak na inaasahang tataas pa.
- Latest