Kontra-SONA ikakasa ng minorya sa Senado
MANILA, Philippines - Hindi hadlang sa mga minorya ng Senado na magsagawa ng kontra-SONA kahit pa nakakulong na dahil sa kasong plunder ang lider nila na si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile.
Ayon kay Senator Joseph Victor “JV” Ejercito na dumalaw kamakalawa kay Enrile, pinayuhan siya ng senador na dapat silang magsagawa ng kontra SONA (State of the Nation Address) dahil bahagi na rin ito ng tradisyon ng Kongreso.
Subalit, kokonsultahin pa rin umano ni Ejerctio si Senator Vicente “Tito” Sotto dahil ito ngayon ang pinaka-senior na miyembro ng minorya at ito rin ang tumatayong assistant Minority Leader.
Sinabi pa ni Ejercito na pinaghahanda na niya ang kanyang staff at pinagsasagawa ng research tungkol sa posibleng maging laman ng kanilang kontra-SONA.
Handa umano si Ejercito na mag-deliver ng kontra-SONA kung siya ang aatasan ni Sotto.
Dahil nakakulong na sina Enrile at Senator Jinggoy Estrada, ang natitira na lamang sa oposisyon bukod kay Ejercito ay sina Senators Vicente “Tito” Sotto III, Gregorio Honasan, at Nancy Binay.
- Latest