Lady Manager, pinagbabaril, utas
MANILA, Philippines - Utas ang isang 61-anyos na lady manager, matapos itong pagbababarilin habang nag-aabang ng masasakyan sa Silang Cavite, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Chief Insp Gil Torralba hepe ng pulisya sa Silang Cavite ang biktima na si Julieta Tinson , HR manager ng Sy-On Inc at residente ng Blk. 18, Lot 1, Townhomes Carmona, Cavite.
Hindi naman nakilala ang salarin na matapos barilin ang biktima ay naglakad palayo at sumakay sa isang tricycle at tuluyang tumakas.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jose Ilano, may hawak ng kaso, alas-10:00 ng gabi ng maganap ang insidente. Nakatayo ang biktima sa gilid ng kalsada sa Silang, Cavite at nag-aabang ng masasakyan pauwi ng tabihan ito ng armadong suspek at walang sabi sabing pinagbabaril.
Sa kasalukuyan ay wala pang makuhang malinaw na motibo ang pulisya hinggil sa insidente at nagsasagawa pa ng follow up operation para sa ikadarakip ng salarin.
- Latest















