Water tank bumagsak: 3 welder pisak

MANILA, Philippines — Kapwa wala nang buhay ang tatlong welder nang sila ay maiahon matapos madaganan nang bumagsak na tangke ng tubig sa isang water facility sa Barangay Simayung, Abulug Cagayan, nitong Huwebes ng umaga.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Abulug, kasalukuyang nagwe-welding ang tatlong biktima sa ilalim ng tangke na bahagi ng isang ipinapagawang pasilidad nang bigla itong gumuho.
Agad nagsagawa ng rescue ang mga otoridad at kinailangan pang gumamit ng excavator upang maalis ang malaking tangke at makuha ang mga biktimang naipit sa ilalim nito.
Ayon sa report, wala nang buhay ang tatlo nang tuluyang maiahon matapos magtamo ng matinding pinsala sa katawan.
Nilinaw naman ng Abulug Water District na hindi nila pagmamay-ari ang water tank at proyekto kundi ng isang non-profit cooperative na nagbibigay ng potable water supply at basic sanitation services sa rural o last-mile communities.
“Ang Abulug Water District (AWD) ay isang hiwalay na ahensya at walang anumang koneksyon, pamamahala, o operasyon sa nasabing pasilidad o sa mga aktibidad,” ayon sa pahayag ng AWD.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy kung ano ang naging sanhi nang pagbagsak ng tangke at kung may pagkukulang sa kaligtasan ng konstruksyon.
- Latest















