5 Malaysian ‘terrorists’ nasa Pinas!
MANILA, Philippines -Dapat na maging alisto ang publiko at mag-ingat sa mga matataong lugar dahil sa pagpasok sa bansa ng limang Malaysian terrorists na nagtatago ngayon sa katimugang bahagi ng Pilipinas.
Ayon sa lumabas na ulat ng Borneo Post online, sinabi ng Malaysian Police na ang limang umano’y terorista ay pinaniniwalaang nagtatago sa Mindanao. Sila ay isinasangkot sa terrorist group na Islamic State of Iraq and the Levant (ISIL) at Abu Sayaf Group (ASG) na nagkukuta at naghahasik ng karahasan sa katimugang bahagi ng Pilipinas.
Sa ulat, kinilala ang limang militante na sina Dr. Mahmud Ahmad, 36-anyos; Mohd Najib Husen alias Abraham, 36, UM Photostat at stationery shop owner; Muhammad Joraimee Awang Raimee, 39, alias Abu Nur; Mohd Amin Baco, 31, at Jeknal Adil, 30.
Si Dr. Ahmad, ng Islam Islamic Studies Faculty at lecturer ng University Malaya (UM) na kilala rin sa pangalang Abu Hanzalah, mula Taman Selayang Baru, Batu Caves ay tinukoy ng Malaysian Police na isa sa mga sangkot sa militant activities sa Malaysia kasama ang apat na nabanggit.
Ang lima ay sinasabing responsable sa pagre-recruit at pagpapadala ng apat na Malaysians patungong Syria noong Marso 5, 2014 kabilang na ang umano’y kauna-unahang Malaysian suicide bomber na si Ahmad Tarmimi Maliki.
Nabatid na sina Baco at Adil na umano’y miyembro ng Sabah Darul Islam Group ay sinanay at sumanib sa Abu Sayaf at ngayon ay kasama na umano ng mga bandidong ASG sa Mindanao.
Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng lima matapos ang isinagawang imbestigasyon ng Bukit Aman Counter Terrorism Division kasunod ng pagkaka-aresto ng 19 militanteng miyembro simula noong Abril 28.
- Latest