58 detainees naglabas ng manifesto... Bong at Jinggoy pinalalayas sa selda
MANILA, Philippines - Nagsumite ng manifesto ang 58 detainess ng PNP Custodial Center sa Crame na palayasin na sa detention facility at ilipat na ng kulungan sina Senators Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
Sa inilabas na sulat kamay na manifesto ng 58 bilanggo na hindi nila matanggap na masisibak na si Supt. Mario Malana dahilan lang sa dalawang Senador.
Sinabi ng mga ito na isang dekada na ang pamamahala sa selda ni Malana at naging maayos naman ang pamamalakad nito na naging magulo lang dahilan sa sobrang tutok ng media sa dalawang senador.
Bukod dito ay masyado umanong maingay dahil sa sobrang dami ng bisita nina Jinggoy at Bong at nabubulabog sila.
Masyado umanong pinalaki ng media ang nangyaring paglabag sa visiting hours nina Estrada at Revilla.
Kabilang sa mga lumagda sa nasabing manifesto ay ang mag-asawang mataas na lider ng CPP-New People’s Army (CPP-NPA) na sina Benito at Wilma Tiamzon; Supt. Hansel Marantan, dawit sa Atimonan shootout noong Enero 2013; ang naarestong lider ng Abu Sayyaf na si Khair Mundos.
Nasa manifesto rin ang pangalan ng Chief of Staff ni Revilla na si Richard Cambe pero wala itong lagda.
Lumagda rin sa manifesto si dating Comelec Commissioner Lintang Bedol na nakasuhan sa election fraud sa 2004 national elections, ang inakusahang pumatay sa kaniyang nobyang Chinese trader na si Supt. Rommel Miranda at ang drug lord na si Wang Li.
Hindi naman nakisali sa manifesto ang grupo ng mga dating heneral ng PNP sa pangunguna ni dating PNP Chief Director General Avelino Razon Jr. na nililitis sa maanomalyang repair ng mga V150 armored personnel carrier ng PNP.
Magugunita na nauna nang ipinag-utos ni PNP Chief Director General Alan Purisima ang masusing imbestigasyon laban kay Malana na pinagpapaliwanag sa paglagpas ng visiting hours nina Revilla at Estrada matapos na abutin ng hanggang alas-3:00 ng madaling araw ang bisita ng mga ito.
Sinabi naman ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, nirerespeto nila ang karapatan ng mga detainees sa PNP Custodial Center na nagpahayag ng kanilang saloobin laban kina Jinggoy at Bong dahil malaya namang maglabas ng saloobin ang sinuman.
Pag-aaralan ng pamunuan ng PNP ang nilalaman ng manifesto na maari rin nilang gamitin sa imbestigasyon sa nasabing isyu, subalit hindi saklaw ng PNP ang paglilipat ng selda sa dalawang senador.
- Latest