Misis, 5 anak hinostage ng adik na mister
MANILA, Philippines - Mahigit na walong oras hinostage ng isang mister ang kanyang misis at limang anak sa naganap na hostage drama sa Danao City, Cebu.
Sa ulat ng Danao City Police, bandang alas-11:00 ng gabi noong Huwebes nang mag-umpisa ang pangho-hostage ng suspek na si Eduardo Durano, 50-anyos sa kaniyang mag-iina.
Bago ito ay hinahabol ng mga otoridad si Durano nang magdala ito ng baril sa poblacion kung saan nagtatakbo ito at nagtago sa kanilang bahay sa Brgy. Tabok at dito ay hinostage ang kaniyang misis at limang anak na nagkakaedad 12 hanggang 21-anyos gamit ang cal. 45 pistol.
Habang isinasagawa ang negosasyon ay pinawalan ni Durano ang kaniyang misis at dalawang anak na nagkakaedad 21 at 18 anyos, pero naiwan sa loob ng kanilang bahay ang tatlo pa niyang anak.
Matapos ang ilang oras na negosasyon ay napahinuhod rin ang suspek na sumuko sa pulisya at pawalan ang kaniyang mga anak at nagwakas dakong alas- 8:20 ng umaga kahapon.
Nasamsam mula sa sasakyan ng suspek ang isang rifle grenade, drug paraphernalia at ilang sachet ng shabu.
- Latest