5 Pinoy tinamaan ng coronavirus sa UAE, maayos na - DFA
MANILA, Philippines - Nasa maayos o stable condition na ang limang Overseas Filipino Workers (OFWs) na iniulat na tinamaan ng nakamamatay na Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV).
Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Asst. Secretary Charles Jose, base sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi ay nasa maayos na kondisyon na ang limang Pinoy na pawang nakalataga sa Rescue and Ambulance Section ng isang ospital sa Al Ain City.
Nabatid na patuloy na nagpapagaling ang limang OFWs na nagpositibo sa MERS-CoV habang nananatili na naka-quaratine sa isang ospital sa Abu Dhabi.
Ang lima ay kasamahan ng isang Filipino nurse na nasawi noong Abril 10 sa Abu Dhabi dahil sa nasabing coronavirus.
Tumanggi ang DFA na pangalanan ang lima at maging ang nasawi na nakatakdang ipasasailalim sa cremation process sa UAE.
Kasabay nito, muling nanawagan ang DFA sa lahat ng mga Pinoy sa Gitnang Silangan na doblehin ang kanilang pag-iingat upang hindi tamaan ng nasabing sakit at sundin ang mga abiso ng lokal na health authorities ng mga bansa na kanilang pinagtatrabahuan.
Samantala, kinumpirma kamakalawa ng Department of Health (DOH) na ang isang OFW na kabilang sa mga Pinoy na tinamaan ng MERS-CoV sa UAE na nakauwi na sa bansa ay nag-negatibo sa nasabing sakit sa isinagawang pagsusuri ng DOH.
Ang mga sintomas ng nasabing MERS-CoV ay ang lagnat, ubo, nahihirapan sa paghinga at maging ang pagtatae na ilan din sa mga sintomas ng nakamamatay na Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) na kumitil na ng buhay ng maraming katao sa buong mundo.
Ayon sa tala ng World Health Organization (WHO), umaabot na sa 240 katao ang nahawahan ng coronavirus kung saan may 93 katao na dito ang nasasawi.
Bukod sa UAE, kabilang pa sa mga bansa sa Middle East na may MERS-CoV ay ang Saudi Arabia, Jordan, Kuwait, Qatar at Oman.
Sinabi ng DFA na patuloy na nakamonitor ang Embahada ng Pilipinas at Labor Post sa Abu Dhabi at sa iba pang bansa sa kondisyon ng mga Pinoy na na-infect ng nasabing virus.
- Latest