Bagong silang na sanggol inabandona ng ina
MANILA, Philippines - Inabandona ng isang ina ang bagong silang niyang sanggol sa isang bakanteng lote sa Brgy. Canelar, Zamboanga City kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng Zamboanga City Police, bandang alas-4:30 ng hapon nang madiskubre ang sanggol sa bakanteng lote sa Brgy. Canelar ng lungsod.
Natukoy naman ang ina na isang Janine Marie Quinquito, 19, residente sa lugar na nagsilang sa kanyang sanggol noong Marso 30 ng umaga sa boarding house nito sa lungsod.
Hindi umano alam ng mga magulang ni Quinquito na nabuntis at iniwan ito ng kaniyang nobyo kaya hindi ito makauwi sa kanilang bahay.
Sumakay si Quinquito sa tricycle dala ang sanggol saka nagpahintay sa driver matapos itong magtungo sa bakanteng lote.
Napansin ng driver na wala ang sanggol na dala ni Quinquito nang ihatid ito sa boarding house kaya’t bumalik ito sa bakanteng lote na pinaghatiran kay Quinquito at dito’y nakita ang sanggol.
Agad namang dinala ang sanggol sa Zamboanga City Medical Center para sa medical examination habang ang ina nito ay naka-confine rin sa pagamutan dahil sa inaapoy ito ng lagnat at hindi maampat ang pagdurugo.
- Latest