3 nagtatabas ng damo inararo sa tollway
MANILA, Philippines - Tatlong lalaki na nagtatabas ng damo sa bangketa ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway sa Malvar, Batangas ang inararo ng isang kotse na ikinasawi ng isa sa kanila habang nasugatan ang dalawa naganap kamakalawa.
Kinilala ni Batangas police director Senior Superintendent Omega Jireh Fidel ang nasawing biktima na si Mario Atienza, ng Barangay Maraouy, Lipa City at kawani ng Ruth Chedy Industrial Sales and Services. Nasugatan naman ang dalawang katrabaho nito na sina Danilo Mosca, 58, ng Barangay Tangway, Lipa City at Bryan Lalog, 21, ng Barangay San Salvador, Lipa City.
Ayon sa ulat ng pulis-ya, dakong alas-11:20 ng umaga, isang Toyota Vios (ZAN-778) na patungong southbound na minamaneho ni Leoncio Macadama, 59, ng Bacoor City, Cavite ay binabagtas ang highway ng Barangay Poblacion, Malvar at nang tangkain umano nitong i-overtake ang isang behikulo ay nawalan ito ng kontrol sa manibela at tuluy-tuloy na tinumbok ang center island at nasalpok ang tatlong biktima na nagtatrabaho sa bisinidad ng Km 70 + 700, na ikinasawi agad ni Atienza habang sina Mosca at Lalog ay dinala sa CP Reyes Hospital para magamot.
Nasa kustodya na ng Malvar PNP si Macadama na kakasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide at multiple physical injuries.
- Latest