15-anyos binoga sa ulo ng kalabang gang

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang isang 15-anyos na high school student nang barilin sa ulo ng kalaban na gang kahapon ng madaling-araw sa Parola, Tondo, Maynila.

Ang nasawi ay kinilalang si Shawn Michael Basas, estudyante  ng Raja Soliman Science High School  at residente ng no. 1325 Gate 7, Area A, Tondo, Maynila.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:10 ng mada­ling -araw ay nakikipagkuwentuhan ang biktima sa dalawang kaibigan sa  Gate 5,  Area A, ng Parola Compound nang biglang sumulpot ang isang lalaki na  sakay ng motorsiklo at biglang pinaputukan ang grupo at dito ay tinamaan sa ulo si Basas.

Nang bumagsak ang biktima ay tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo habang ang una ay dinala ng mga kaibigan sa nasabing ospital, subalit namatay din ito.

Malaki ang hinala ng pulisya na niresbakan ang biktima ng kaaway na gang.

 

Show comments