Magsasaka niratrat ng bagong halal na kagawad
MANILA, Philippines - Niratrat ng armalite ng isang bagong halal na barangay kagawad ang isang magsasaka matapos na mapikon sa kanilang pagtatalo kamakalawa sa Brgy. Libertad, Dimataling, Zamboanga del Sur.
Namatay noon din ang biktima na kinilalang si Marcelo Dagyagnao, 39 dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang suspek na si Eddie Guerra, 48 anyos, may-asawa, bagong halal na kagawad ng Brgy. Lower Ludiong, Dinas ng lalawigang ito.
Sa imbestigasyon, dakong alas-7:00 ng umaga nang maganap ang krimen sa bisinidad ng Brgy.Libertad nang makasalubong ng biktima at suspek na kung saan ay nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo sa hindi pa batid na isyu na nauwi sa pamamaril ng suspek sa biktima.
Nagtamo ng mga tama ng bala ng M16 rifle mula sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na agad nitong ikinamatay.
Isa sa sinisilip na anggulo ng pulisya sa kaso ay ang hindi pagsuporta ng biktima sa suspek sa nagdaang barangay eleksyon.
- Latest