Publiko binalaan sa mga pekeng pari na gagala sa sementeryo
MANILA, Philippines -Binalaan kahapon ang Philippine National Police (PNP) ang publiko kaugnay ng mga pekeng pari na muli na namang gumala sa mga pangunahing sementeryo para humanap ng kanilang mga mabibiktima.
Ayon kay PNP Public Information Office (PNP-PIO) Chief P/Sr. Supt. Reuben Theodore Sindac, modus operandi ng mga pekeng pari ay basbasan umano ng benditadong tubig ang puntod ng nais nilang biktimahin kapalit ng paghingi ng kabayaran.
Sa tala ng PNP, sa tuwing sasapit ang paggunita sa Undas ay gumagala ang mga pekeng pari partikular na sa South Cemetery, Manila North Cemetery, Loyola Memorial Park, Manila Memorial Park at iba pa.
Ang mga pekeng pari ay todo postura rin umano na nakasuot ng abito o uniporme ng pari at may dalang bibliya saka pekeng pang-bendisyon sa mga nitso kung saan sumiÂsingil umano ang mga ito ng mula P100 hanggang P500.00 depende sa kanilang mabobola o malilinlang na mga tao.
Ipinagbabawal din ng PNP ang pagsusugal, pag-inom ng alak, malalakas na tugtugan o anumang maiingay na bagay na maaaring makabulabog sa mga nagdarasal ng taimtim para sa kapaÂyapaan ng kaluluwa sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Pinag-iingat din ng PNP ang publiko laban sa mga mandurukot, salisi, snatcher, magnanakaw, bukas kotse at iba pang masasamang elemento.
- Latest