Bangkay ng 5 pang minero natukoy na
MANILA, Philippines - Natukoy kahapon ng mga rescue and retrieval team ang kinaroroonan ng lima pang bangkay ng mga minero sa gumuhong coal mine sa Semirara Island, Caluya, Antique.
Ayon kay P/Sr. Inspector Rico Andaza, chief ng Caluya PNP, ganap na alas-10:00 ng umaga nang matukoy ang lugar na kinaroroon ng bangkay ng limang empleyado ng Semirara Mining Corporation.
Kinilala ang lima na sina George Bragat, Jan Riel Pianca, Randy Tamparong, Richard Padernilla at Junjie Gomez na nalibing sa may 30 metrong lalim ng putik mula sa gumuhong mining pit.
Pansamantala namang inihinto na ang rescue and retrieval operation dahil hinihintay pa nila ang pagdating ng mga doktor.
Sa kasalukuyan ay nag-i-spray na ang search and retrieval teams ng disinfectants para mawala ang masangsang na amoy sa kinaroroonan ng mga biktima.
Magugunita na nitong Miyerkules ng gabi ay gumuho ang isang bahagi ng naturang minahan kung saan kamakalawa ay limang bangkay ang naunang nakumpirmang nasawi sa trahedya.
Sa ngayon ay sampu katao na sinasabing nasawi sa Semirara mine landslide.
- Latest