‘Palayan sa paaralan’ isusulong ng DepEd
MANILA, Philippines - Isinusulong ngayon ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Agriculture-Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) ang programang ‘Palayan sa Paaralan’.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, sa ilalim ng naturang proyekto na sisimulan sa pagpasok ng susunod na taon, maglalagay ng mga “rice gardens” sa mga piling elementary at high schools sa Metro Manila.
Layunin nito na maituro sa mga mag-aaral ang kahalagahan at kung paano ang pagtatanim ng palay, na isa sa pangunahing ikinabubuhay ng mga Pinoy.
Nabatid na unang ipinakilala ni Luistro ang proyekto sa ginawang harvesting ceremony sa Rizal Park noong nakaraang buwan.
Sa naturang okasyon, may 39 na mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan ang nakiisa sa pag-ani ng palay sa 300-metro kuwadradong rice garden sa Rizal Park, bilang bahagi ng Rice Awareness Month.
Matatandaang target ng pamahalaan na maging self-sufficient ang bansa sa bigas sa taong 2013 upang hindi na mag-angkat pa mula sa ibang bansa.
Taong 2001 naman nang simulan ang pagtatanim ng palay sa Rizal Park matapos na maobserbahan na maraming Pinoy, partikular na ang mga taga-lungsod, ang hindi alam kung paano itinatanim o kung ano ang hitsura ng palay.
- Latest