MANILA, Philippines - Pinagsasaksak ng isang 39-anyos na lalaki ang kanyang 53-anyos na ate at manugang nito sa pag-aakalang siya ang pinag-uusapan ng mga ito kahapon ng umaga sa San Andres, Maynila.
Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Efrenita Vistal, ng 2343 BMC Tower 2, Osmeña Highway, San Andres sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nasugatan naman sa braso ang manugang nitong si Marifiel Lopeno, 26, waitress.
Ang suspek na tumakas ay nakilalang si Jorge “Jekjek” Vistal, 39, jobless.
Batay sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga ay nagkukuwentuhan sina Efrenita at Marifiel sa loob ng kanilang bahay nang dumating ang suspek na lasing sa alak.
Nakita ng suspek ang pagkukuwentuhan ng dalawa na ikinagalit nito sa pag-aakalang siya ang pinag-uusapan kung kaya’t kumuha ito ng icepick at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang dalawa at nang bumulagta ay tumakas ang suspek.