Hiling ng mga solon kay Pacquiao… gumanti muna bago magretiro!
MANILA, Philippines - Dapat munang gumanti si Pambansang Kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao kay Mexican boxer Juan Manuel Marquez bago ito magretiro.
Ito ang sinabi ni Isabela Rep. Giorgidi Aggabao, at hindi pa rin opsyon para magretiro si Pacquiao kahit na napatumba ito ni Marquez sa katatapos nilang laban.
Idinagdag pa ni Aggabao, dapat na bigyan ng pagkakataong makabangon muli ang Peoples Champ at makaganti kay Marquez sa pamamagitan ng kanilang ika-limang laban.
Ito rin ang inihayag nina Manila Rep. Amado Bagatsing at Albay Rep.Edcel Lagman na nararapat na magkaroon ng ikalimang pagtutuos sina Pacquiao at Marquez.
Sinabi naman ni San Juan Rep. JV Ejercito, marami pa rin sa mga fans ni Pacquiao ang nais na mapanood ang kanilang idolo na makipaglaban sa boxing ring.
Paliwanag ng mga mambabatas, kung titingnan sa scorecards ng mga hurado ay lamang si Pacquiao, ngunit dahil sa pinakawalang suntok ni Marquez ay nakatiyempo lamang ito para mapabagsak si Pacquaio.
Pinuri naman ni Zambales Rep, Milagros Magsaysay na ang pagtanggap ni Pacquiao ng kanyang pagkatalo ay magandang halimbawa sa mga atleta na hindi pinalad na magkamit ng tagumpay kung saan sa halip na manisi ng kung sinu-sino at kung anu-ano, ang ginawa nito ay magnilay at sinuri kung ano ang kanyang attitude sa pagpasok sa laban.
Sa halip din umano na sumuko, ay handa pa rin ang Pambansang Kamao para sa susunod na tsapter ng kanyang karera.
Samantala, ikinumpara naman ni Senator Lito Lapid si Pacquiao sa isang bida sa pelikula na natural lamang umano na minsan ay tumutumba pero bumabawi para tumayong muli.
“Ganyan talaga ang mga bida, minsan tumutumba para makita ng mga tao kung gaano kagaling siyang bumawi para tumayong muli,” sabi ni Lapid.
Sinabi pa ni Lapid na posibleng may mensahe rin ang Panginoon kay Pacquiao para iwanan na ang boksing at harapin ang misyon ng maglingkod ng buung-buo sa bayan.
Umapela rin si Lapid sa mga detractors ni Pacquiao na itigil na ang pagpapakalat ng mga pahayag na sumisira pa sa boksingero na ilang beses na nagdala ng karangalan sa bansa.
Naniniwala naman ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi pa tapos ang boxing career ni Pacquiao.
Masyado pa aniyang mas maaga at napakabata pa ni Pacquiao para magretiro dahil lamang natalo ito kay Marquez na sinuwerte lang dahil sa naging over confident si Pacquiao.
- Latest