MANILA, Philippines - Mistulang kinatay na parang hayop ang apat na miyembro ng isang pamilya matapos na sila ay pagtatagain ng mga hindi pa kilalang suspek sa loob ng kanilang bahay na matatagpuan sa isang liblib na lugar sa Sitio Liaga, Brgy. Mabuno, Gattaran, Cagayan kamakalawa.
Ang mga nasawi dulot ng mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay ang mag-asawang Danny Baguiwang, 40; misis nitong si Reymalyn Baguiwang, 33; at mga anak na sina Reydan, 5 at Reymond, 1.
Sa ulat ng pulisya, bandang alas-12:30 ng tanghali kamakalawa nang madiskubre ang bangkay ng mga biktima sa loob ng kanilang kubo ng may-ari ng lupang sinasaka ng mga ito na si Renato Bitanga.
Sa pahayag ng isang Dionisio Ganoot, nasa 150 metro ang layo sa bahay ng mga biktima dakong alas-10:00 ng gabi ay nakarinig siya ng tahulan ng mga aso mula sa bahay ng pamilya Baguiwang at paghingi ng tulong.
Hindi umano niya ito pinansin sa pag-aakalang guniguni lamang at natulog na siya bunga ng matinding pagod sa maghapong pagtatrabaho sa bukid.