Sa kasong illegal detention… Dennis Espino, arestado!
MANILA, Philippines - Dahil sa kasong illegal detention na isinampa ng kanyang dating sekretarya kaya inaresto ng mga awtoridad ang Ex-Philippine Basketball Association (PBA) star player na si Dennis Espino.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Dir. Samuel Pagdilao Jr, bandang alas-4:30 ng hapon kamakalawa ng madakip ng mga tauhan ng Women and Children Protection Division sa pamumuno ni Chief Insp. Fernando Cunanan Jr. si Espino sa bahay ng kapatid nitong si Engineer Eduardo Espino sa Brgy. Tabun, Mabalacat, Pampanga.
Si Espino, 38-anyos, may-ari ng Northline Farms ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Mary Anne Pardon–Rivera ng Regional Trial Court Branch 46 ng San Fernando City, Pampanga na walang inirekomendang piyansa sa kanyang kalayaan.
Ayon kay Pagdilao, ang kasong illegal detention laban sa dating PBA star ay nag-ugat sa reklamo ng dati nitong secretary sa kaniyang piggery farm na si Mildred Eiman, 20-anyos.
Sa reklamo ni Eiman, ikinulong umano siya ni Espino ng mahigit isang buwan matapos na mabigo siyang mabayaran kaagad ang P5,000 utang sa dating amo. Sinabi ni Pagdilao, tumagal ng 8 buwan bago nila naaresto ang mala-palos na si Espino dahil sa impluwensya nito at kamag-anak ang ilang pulitiko sa Pampanga.
Ang Northline Farms na pag-aari ni Espino ay nasa paanan ng bundok Arayat ay sinasabing kuta ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kaya nahirapang magsagawa ng surveillance operations ang mga awtoridad.
Nagpalipatlipat rin ng taguan si Espino sa ancestral house nito sa Nepo, Angeles City, farm sa Arayat, Pampanga, Vista Verde sa Cainta, Rizal at bahay bakasyunan sa Baguio City habang marami rin itong inupahang bahay at iba’t ibang sasakyan ang ginagamit.
- Latest