Trader pumalag sa holdap, dinedo
MANILA, Philippines - Pinagbabaril ang isang negosyante ng riding-in-tandem matapos na tumanggi itong ibigay ang dalang pouch bag sa naganap na holdap kahapon sa Quezon City.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa ospital ay nakilalang si John Villagracia, 39, may-asawa, ng 43 Commonwealth Avenue, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-3:00 ng madaling-araw ay umoorder ng pagkain ang biktima sa isang Pares Eatery na matatagpuan sa kahabaan ng BF Road, Brgy.Holy Spirit.
Isa sa mga suspek ang sumulpot sa likuran ng biktima na tumutok ng baril at nagdeklara ng holdap.
Agad na hinablot ng nasabing suspek ang bag ng biktima, subalit nanlaban ito at nakipag-agawan sa baril.
Nakita ng kasama ng suspek ang pakikipagbuno ng dalawa kaya’t tumulong ito at binaril ang biktima.
Kahit sugatan ay nagawa pang makatakbo ng biktima sa loob ng Pares Eatery, pero sinundan siya ng mga suspek saka muling pinagbabaril sa katawan at ulo.
Agad na sumibat ang mga suspek habang itinakbo ng mga concerned citizen ang biktima sa Gen. Malvar Hospital na idineklarang dead-on-arrival.
Narekober sa crime scene ang isang pouch bag ng biktima na naglalaman ng isang kalibre 45 armscor na baril at dalawang magazines na may bala, cash money na halagang P6,400 at isang Nokia cell phone.
- Latest