Opisina at bahay ng pyramid scam officials pinagnakawan NG mga biktima
MANILA, Philippines - Pinasok at pinagnakawan ng mga biktima na nag-invest ng malaking halaga sa Aman Futures Group Philippines Inc., ang tanggapan at bahay na nirerentahan ng pyramiding scam officials sa Pagadian City, Zamboanga del Sur kamakalawa ng tanghali.
Batay sa ulat, dakong alas-12:00 ng tanghali nang lumusob ang mga galit na nag-invest sa nasabing tanggapan ng pyramiding scam na matatagpuan sa Brgy. Kawit ng lungsod matapos na tumakas ang founder ng pyramiding scam na si Manuel Amalilio na umano’y nagtatago na sa Malaysia at maging ang iba pang opisyal ng nasabing tanggapan na bumiktima ng 15,000 katao sa Mindanao at Visayas kung saan aabot sa P 12 bilyon ang nakulimbat.
Wala namang nagawa ang caretaker ng Aman Futures na si Isagani Dayagdag nang lumusob ang galit na mga investors na nagkani-kaniyang hakot ng mga kagamitan sa opisina tulad ng mga mesa, computer, silya at iba pa.
Maging ang bahay na nirerentahan ng mga opisyal ng pyramiding scam ay niransak rin at kinuha ang mga telebisyon, refrigerator, pinggan, kutsara, tinidor, rice cooker, mga kaldero, kawali, pati mga kawad ng kuryente at iba pa.
Nabatid na ang nasabing bahay at opisina na ginamit ng pumugang negosyanteng si Amalilio ay may karatulang “no trespassing”sa buong perimeter nito pero winasak at pinasok pa rin ito ng sumugod na mga biktimang investors. Sa tala, umaabot na sa 9,000 investors ang nagsampa ng reklamo laban sa Aman Futures na inaasahang madaragdagan pa. – Joy Cantos –
- Latest