2 todas,1 missing sa LPA
MANILA, Philippines - Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon na may dalawang katao ang nasawi habang isa ang nawawala sanhi ng mga pagbaha sa mga malalakas na pag-ulan na ibinuhos ng Low Pressure Area (LPA) na nakakaapekto ngayon sa Mindanao.
Kinilala ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos ang mga nasawing biktima na kapwa nalunod na sina Zosito Andamon, 28 ng Digos City at Ruelyn Aling, 22 ng Sta. Cruz; pawang sa Davao del Sur.
Patuloy namang pinaghahanap ang nawawalang biktima na si Arjay Javier, 17 ng Makilala, North Cotabato na tinangay ng malakas na agos ng tubig baha matapos na tumalon sa ilog bunga ng kalasingan.
Naiulat rin ang mga pagbaha sa lalawigan ng Lanao del Sur, Zamboanga del Sur, Sultan Kudarat at Maguindanao.
Kabilang sa mga binaha ay ang 8 Barangay sa bayan ng Imelda, Zamboanga, Sibugay kung saan umaabot sa 250 pamilya ang naapektuhan matapos na umapaw ang tubig sa Sibugay Valley River.
Naitala naman na sampung barangay ang binaha sa Sultan Kudarat, Maguindanao at nasa 11 barangay sa Balabagan, Lanao del Sur na umabot sa hanggang baywang ang tubig baha sanhi naman ng pag-apaw ng tubig sa ilog ng Nituan at Simuay habang malakas rin ang mga paghangin.
Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods sa mga residenteng naapektuhan ng mga pagbaha.
- Latest