Rider todas sa taxi at van
MANILA, Philippines - Namatay habang ginagamot sa Manila Central University ang isang 44-anyos na lalaki na nagmamaneho ng motorsiklo matapos na siya ay masalpok ng taxi at van kamakalawa sa Caloocan City.
Ang biktima na nasawi dahil sa natamong pinsala sa ulo at katawan ay nakilalang si Roberto San Pedro, ng Guido 2 St., Maypajo ng lungsod.
Kusang sumuko sa otoridad ang driver ng taxi (TYJ-819) na si Romulo Padios, 52, ng Shell House, Kaunlaran Village, Caloocan City at ang driver ng van (XCK-793) na si Uldarico Alcantara, 40, ng Galas, Balagtas, Bulacan.
Batay sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi ay minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo at binabaybay ang kahabaan ng C-3 Road ng lungsod nang masalpok ng taxi ni Padios.
Sa pagkasalpok sa biktima ay napunta ito sa kaliwang bahagi ng kalsada na siya namang pagdating ng van ni Alcantara at nasalpok din ito at nagulungan pa.
Dinala ang biktima sa nasabing ospital, subalit namatay din ito habang ang dalawang driver ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.
- Latest















