Babae na pinaslang sa SUV, isang freelance model
MANILA, Philippines - Kinilala ng kanyang pamilya ang isang babae na pagkatapos barilin sa loob ng SUV ay itinulak ito palabas sa isang bakanteng lote sa Quezon City noong Martes.
Ang biktima ay kinilala ng kanyang inang si Luz Polidarion Rodelas na si Julie Ann Rodelas, 20, dalaga, freelance model at residente sa no.48, Bagong Lipunan St., CAA Las Piñas City.
Sa pahayag ng ina ng biktima sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District na bago nangyari ang krimen ay nakatanggap siya ng impormasyon sa isang kaibigan na ang kanyang anak ay dinukot sa harap ng World Trade Center sa Gil Puyat Avenue, malapit sa panulukan ng Macapagal Boulevard, Pasay City.
Nabatid na nangyari ang pagdukot sa biktima habang kasama nito ang isang Althea Altamirano, co-model nito na agad ding nagreport sa Police Community Precinct 1 sa Pasay City Police Station.
Ang nasabing pagpapa-blotter ni Altamirano sa nasabing himpilan ay kinumpirma ng mga imbestigador ng CIDU matapos makakuha ng kopya.
Batay sa pahayag ni Altamirano sa Pasay City police na noong Nobyembre 6, ganap na alas-12:30 ng madaling araw habang naghihintay sila ng biktima sa kanilang mga kaibigan sa harap ng World Trade Center ay biglang sumulpot ang isang Montero na hindi mabatid ang plaka at huminto sa harap nila.
Mula dito ay bumaba ang dalawang lalaki saka kinuha si Rodelas at isinakay sa kanilang sasakyan at itinakas.
Si Rodelas ay pinaslang sa may 18th Avenue, Cubao matapos na itulak ng isang lalaking sakay ng Montero ganap na alas-5:00 ng umaga.
Inaalam ng pulisya ang isang lalaking bumili ng cheeseburger sa McDonalds sa UN Avenue, ganap na alas-2:33 ng madaling-araw matapos makuha ang resibo sa tabi ng bangkay ng biktima. Ilang empleyado ang nagsabi sa pulis na isang lalaki na mataas at maraming tattoo ang kustomer nila na bumili at nag-takeout ng pagkain ng oras na nabanggit.
- Latest