Mga nakamotor umatake: 2 todas
MANILA, Philippines - Dalawang insidente ng pamamaril na kagagawan ng mga suspek na sakay ng motorsiklo ang umatake sa magkakahiwalay na lugar sa Parañaque City at Maynila na ikinasawi ng dalawang katao.
Namatay noon din ang biktimang si Jesus Cristobal, 34-anyos, may-ari ng brake bonding shop at residente ng Clarmen Village Dasa, Brgy.San Dionisio, Parañaque City matapos barilin sa ulo habang naglalakad patungo sa isang sabungan sa lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-9:20 ng umaga sa may Brgy. BF Homes ay kasama ng biktima ang apat na kabarkada na sina Melvin Bolada, Arnel dela Cruz, Ernesto Basa at Lodie Cristobal na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo at patungo umano sa isang sabungan nang harangin ng dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Tinutukan ng baril ng dalawang suspek ang lima at pinababa sa kanilang motorsiklo bago hiningi ang kanilang mga wallet at relo. Nagulat na lamang ang apat nang biglang barilin sa ulo ng isa sa mga suspek si Cristobal kaya nagkanya-kanya umano silang takbo.
Lumalabas na hindi pagnanakaw kundi personal na galit ang motibo ng mga salarin dahil si Cristobal lamang ang tinarget ng mga ito.
Patay din ang biktimang si Glenn Devero, 33, driver ng no. 171 Santan St., Masville Brgy. BF, Parañaque City nang barilin ng riding-in-tandem sa Ermita, Maynila, kahapon ng alas-2:00 ng madaling-araw. Sa pahayag ng mga saksi, nakita nilang nagtatalo ang biktima at dalawang lalaki sa tapat ng Chowking Restaurant sa panulukan ng Maria Orosa at United Nations Avenue sa Ermita.
Hindi nagtagal ay sinuntok umano ng isang lalaki ang biktima na nagawa pa umanong magtatakbo upang umiwas, subalit nagbunot ng baril ang isa at pinaputukan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima. - Danilo Garcia, Ludy Bermudo
- Latest