MANILA, Philippines - Isang babae na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay nang makaengkwentro ang tropa ng pamahalaan kahapon ng umaga sa Brgy. East, Candoni, Negros Occidental.
Batay sa ulat, nagsasagawa ang mga sundalo ng Army’s 47th Infantry Battalion sa lugar nang matiyempuhan ang grupo ng mga rebelde na puwersahang nangingikil ng revolutionary tax sa mga sibilyan.
Agad na nagsagupa ang dalawang grupo at napatay ang nasabing amasona na tinatayang nasa 25-anyos na inabandona ng mga nagsitakas na kasamahan.
Wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng tropa ng mga sundalo sa naganap na bakbakan.