PO3 arestado sa pagtangay ng motorsiklo
MANILA, Philippines - Isang pulis na nakatalaga sa Police Security Protection Group (PSPG)-Diplomat Protection Unit ang inaresto ng kanyang kabaro matapos ireklamo ng carnapping ng isang negosyante sa Quezon City.
Ang inarestong suspek ay kinilalang si PO3 Rogelio Malayog, 33, matapos ireklamo ng isang Michael Garcia, 33 ng McArthur St. Veterans Village, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.
Batay sa imbestigasyon, ganap na alas-3:45 ng hapon ay minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo (YG-8262) at angkas ang kaibigang si Raymon Cando at binabagtas ang kahabaan ng Kasiyahan St. Brgy. Batasan Hills.
Dito ay nadaanan nila si PO3 Malayog na may kasamang dalawang lalaki na nag-iinuman at sila ay hinarang ng una.
Hiningi ni PO3 Malayog ang lisensya at dokumento ng minamanehong motorsiklo at matapos na makita ay sapilitang pinababa ang mga biktima.
Dito ay sinakyan ni PO3 Malayog ang motorsiklo at pinasibat at hindi na ibinalik.
Agad na nagtungo si Garcia sa Quezon City Police District-Station 6 para ireklamo ang pulis.
Habang nagbibigay ng salaysay sa pulisya ang biktima ay dumating ang suspek sakay ng tinangay na motorsiklo.
Nang makita ito ni Garcia at lapitan ay hindi na nagawang bumaba ni PO3 Malayog sa motorsiklo at muling pinaharurot ito papalayo.
Hinabol ito ni SPO3 Eliterio Dacumos hanggang sa ito ay maaresto.
- Latest