Jian pasiklab sa Juvenile race
MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas ang batang kabayong Jian matapos nitong angkinin ang korona sa 2026 PHILRACOM “1st Leg Juvenile Stakes Race” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas kahapon.
Kumaripas na lumabas ng aparato ang matulin na Le Chic para hawakan ang bandera pero agad naman itong kinapitan ng liyamadong Jian upang makipagtagisan ng bilis sa unahan.
Lutsahang umaatikabo ang nasilayan ng mga karerista, mainit ang naging banatan sa kalagitnaan ng karera at nagpatuloy ang gitgitan hanggang sa far turn.
Umungos ng bahagya ang Le Chic sa home turn pero hindi nagpabaya ang Jian, parehong nagpakita ng tikas ang dalawang kabayo pero sa huling 75 metro ng karera ay inagaw na ng winning horse ang unahan.
Sinakyan ni jockey Andreu “Dodong” Villegas, tinawid ng Jian ang meta ng may isang kabayong agwat sa pumangalawang Le Chic, tersero ang Thalia’s Khate.
Nirehistro ng Jian ang impresibong tiyempo na 1:11.6 minuto sa distansyang 1,200 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Benjamin C. Abalos Jr. ang P900,000 na premyo.
Ibinulsa naman ng pangalawa na Le Chic ang P337,500 habang ang third placer na Thalia’s Khate ay nag-uwi ng P187,500.
- Latest























