Cool Smashers sampa sa finals

MANILA, Philippines — Pinatumba ng Creamline ang Farm Fresh, 25-23, 14-25, 25-23, 25-19, papasok sa 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference Finals kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Tinapos ng Cool Smashers ang single round-robin semifinals sa 2-1 at inihulog ang Foxies sa 1-2 sa kauna-unahang semis stint nito sapul nang sumali sa liga noong 2023.
Pumalo si Tots Carlos ng 15 points para sa tropa ni coach Sherwin Meneses at may tig-13 markers sina Jema Galanza at Pangs Panaga.
Nagkadena si Bernadeth Pons ng triple-double na 12 points, 17 digs at 17 receptions habang may 26 excellent sets si setter Jia De Guzman.
Ito ang ika-15 finals appearance ng 10-time PVL champions at target ang pang-11 korona.
Lalabanan ng Creamline ang Cignal sa best-of-three championship series na magsisimula sa Martes sa Smart Araneta Coliseum.
“Iyong mga players talagang nag-step up, talagang gusto nilang manalo today, kasi iyong Farm Fresh hindi naman basta-basta, veteran team din,” ani Meneses.
“Gusto ng players ng Creamline talaga na manalo at makabalik sa finals at makalaban ulit iyon Cignal,” dagdag nito.
Tinalo na ng Cool Smashers ang Super Spikers, 25-19, 25-20, 15-25, 26-28, 16-14, sa preliminaries noong Marso 21.
Ito ang ikalawang pagkakataon na magtutuos sa PVL Finals ang Cool Smashers at Super Spikers matapos noong 2024 Invitationals kung saan nila winalis ang mga bataan ni coach Shaq delos Santos, 3-0, sa kanilang title series.
Pinamunuan ni Trisha Tubu ang Foxies, lalabanan ang PLDT High Speed Hitters sa best-of-three series para sa third place trophy, sa kanyang game-high 21 points kasunod ang 19 markers ni Molina.
- Latest






















