23 triples ibinagsak ng Bucks vs Bulls
MILWAUKEE — Dinuplika ni Kyle Kuzma ang kanyang season high na 31 points para banderahan ang Bucks sa 131-115 pagsuwag sa Chicago Bulls at tapusin ang kanilang five-game losing skid.
Nagtala rin si Kuzma ng 10 rebounds at 6 assists habang may 21 points, 10 assists at 7 rebounds si Ryan Rollins.
Nagbagsak ang Milwaukee (19-29) ng season-high 23 three-point shots bagama’t hindi naglaro si two-time MVP Giannis Antetokounmpo na may strained right calf.
Wala rin sa lineup sina injured Kevin Porter Jr. (oblique strain), Bobby Portis (hip bruise) at Gary Harris (left hamstring strain).
Bago ang laro ay dinala ng Chicago (24-27) sina Kevin Huerter at Dario Saric sa Detroit Pistons bilang bahagi ng isang three-team deal kung saan nila nakuha si Mike Conley Jr. mula sa Minnesota at Jaden Ivey galing sa Pistons.
Matapos kunin ang 77-52 kalamangan sa halftime ay hindi na nagpapigil ang Bucks para tapusin ang kanilang kamalasan.
Sa iba pang laro, giniba ng nagdedepensang Oklahoma City ang Orlando Magic, 128-92; sinisiw ng Los Angeles Lakers ang Brooklyn Nets, 125-109; wagi ang Detroit Pistons sa Denver Nuggets, 124-121; tinalo ng Utah Jazz ang Indiana Pacers, 131-122; at panalo ang New York Knicks sa Washington Wizards, 132-101.
- Latest















