Robles, Verdeflor dagdag lakas sa ZUS Coffee

MANILA, Philippines — Pormal nang kinuha ng ZUS Coffee sina outside hitter Cess Robles at libero Karen Verdeflor mula sa nabuwag nang Chery Tiggo para paghandaan ang darating na 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Nagpakitang-gilas si Robles, produkto ng National University Lady Bulldogs, ang naging kamador ng Crossovers nang pumasok sa tropa noong 2023.
Si Verdeflor, ang libero ng Adamson Lady Falcons, ay hinugot ng Chery Tiggo sa inaugural draft ng PVL noong nakaraang taon.
Ang pagdating nina Robles at Verdeflor ang magdadagdag ng lakas sa opensa at depensa ng Thunderbelles para sa 2026 PVL All-Filipino Conference.
Makakatuwang sina Robles at Verdeflor nina Jovelyn Gonzaga, Thea Gagate, AC Miner, Riza Nogales, Alyssa Eroa at Fiola Ceballos.
Bigo ang ZUS Coffee sa kanilang kauna-unahang finals appearance nang matalo sa Petro Gazz sa one-game championship ng nakaraang PVL Reinforced Conference.
Ang paghablot ng Thunderbelles sa silver medal ng Reinforced Conference ang best finish ng Strong Group Athletics-owned franchise simula nang sumali sa PVL noong nakaraang taon.
Naniniwala si coach Jerry Yee na muling makakasampa ang ZUS Coffee sa championship round sa paglalaro nina Robles at Verdeflor.
Samantala, dalawang grupo ang nagparamdam ng interes na sumali sa PVL sa susunod na taon.
Ang mga ito ay ang property developer Cebu Landmasters Incorporated (LCI) at ang Black Mamba Energy Drink.
- Latest


















